Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Mula sa pagiging isang bansa na nakadepende sa pag-export ng raw materials ay dapat magkaroon na rin ng kakayahan ang Pilipinas na makapagproseso rin ng mga ito sa ilalim ng Pax Silica Initiative.
Ito ang binigyang-diin ni dating Finance Secretary Margarito “Gary” Teves sa post-SONA special ng programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service.
Ayon kay Teves, ito ay upang maging mas malaki rin ang halaga ng ating exports.
Sinabi rin ng ekonomista na dapat matiyak na mayroong sapat na suplay ng kuryente at tubig ang Pilipinas sa Pax Silica Initiative dahil na rin sa dami ng establisimyentong itatayo sa ilalim ng inisyatibang ito.
Ani Teves, mahalaga na maikonsidera ang mga salik na ito bago pumasok ang Pilipinas sa anumang kasunduan kasama ang ibang mga bansa.
Kahit na ganoon, aniya, ay kinikilala pa rin ang mga benepisyong maidudulot ng Pax Silica Initiative, lalung-lalo na pagdating sa ating ekonomiya.
Matatandaan na sa ilalim ng Pax Silica Initiative ay magtatayo ng isang artificial intelligence (AI) hub sa New Clark City, Tarlac.