Wala pang naitatalang election-related violent incidents sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula nang magsimula ang election period noong July 16.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na mahigpit na ipinatutupad ang mga hakbang sa seguridad, kabilang ang regional gun ban na nagresulta na sa pagkakaaresto ng 12 lumabag.
Ayon kay Nartatez, mahigpit din ang kanilang koordinasyon sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, at iba pang law enforcement agencies upang mapanatili ang seguridad sa rehiyon hanggang sa araw ng halalan.
Sa ngayon, umabot na sa 9,463 na mga pulis ang naideploy sa BARMM. Kabilang dito ang mga tauhan mula sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, National Support Units at iba pang Police Regional Offices.
Bumuo rin ng special electoral board upang agad matugunan ang anumang hindi inaasahang insidente.
Nakatakda namang isagawa ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa September 14 kung saan mahigit 400 kandidato ang maglalaban para sa 86 na posisyon. | ulat ni Diane Lear