Mahigpit na mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naiulat na military at coast guard drills ng China malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea Ret. Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, patuloy nilang sinusubaybayan ang sitwasyon sa lugar.
Iginiit ni Trinidad na nananatiling nakatuon ang AFP sa pagtupad sa mandato nitong protektahan ang teritoryo ng bansa at pangalagaan ang maritime rights ng Pilipinas alinsunod sa 2016 Arbitral Award at United Nations Convention on the Law of the Sea.
Binigyang-diin din ni Trinidad na hindi nababago ng anumang military activities o pagpapakita ng puwersa ang legal status ng mga maritime feature o ang maritime entitlements ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
Matatandaang inihayag ng China na nagsagawa ito ng joint naval-air training exercise malapit sa Bajo de Masinloc nitong Sabado matapos ang mga naitalang tensyon sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China nitong mga nakalipas na araw. | ulat ni Diane Lear