Bumaba ng 36.12% ang naitalang focus crimes sa buong bansa nitong Hulyo kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mula sa 3,458 na insidente noong Hulyo 2025, bumaba ito sa 2,209 na kaso ngayong taon.
Kabilang sa mga focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, motor vehicle theft at motorcycle theft.
Nakapagtala ng pagbaba ang lahat ng kategorya ng focus crimes. Pinakamalaki ang ibinaba ng rape, na sinundan ng motor vehicle theft at motorcycle theft.
Sinabi ni Nartatez na patunay ang pagbaba ng bilang ng mga kaso sa patuloy na pagtutulungan ng pulisya, mga komunidad at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpigil sa krimen.
Samantala, iniulat din ng PNP na nagsagawa ito ng 5,526 anti-drug operations noong Hulyo na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,368 indibidwal at pagkakasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit ₱387 milyon.
Naaresto rin ang 8,199 wanted persons at 656 na indibidwal sa 2,927 operasyon laban sa smuggling at iba pang paglabag.