📷 Senate of the Philippines
Pinagbigyan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng BDO Unibank at Security Bank na mabigyan ng karagdagang 10 banking days upang makumpleto ang pagsusumite ng natitirang financial records ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ngayong araw, sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer at Senate President Chiz Escudero na hanggang Agosto 13 ang palugit na ibinigay sa dalawang bangko para maisumite ang mga dokumentong hindi pa nila naipapasa.
Kinumpirma ni Escudero na noong Hulyo 30 ay sumunod na sa subpoena ng Impeachment Court ang BDO, Security Bank, PSBank, Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank), Land Bank of the Philippines, at Bank of the Philippine Islands (BPI) sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga financial records ni VP Sara, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng 20 kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Gayunman, humiling ang BDO at Security Bank ng dagdag na panahon dahil sa dami ng mga dokumentong kailangan nilang tipunin at ihanda.
Ayon kay Escudero, hiniling ng BDO ang karagdagang oras upang makuha, maipon, at maisumite ang mga account transaction, ledger, journal, at transaction log na nakasaad sa ikatlong bahagi ng subpoena.
Samantala, ipinaalam naman ng Security Bank na hindi nito agad nakumpleto ang pag-imprenta ng mga dokumento para sa dalawa sa 20 kumpanyang sakop ng subpoena, partikular ang GenCorp Industries at Calle88 Foods Corp., dahil sa dami ng rekord na kailangang iproseso.
Sa kanyang kautusan, pinayagan ni Escudero ang kahilingan ng dalawang bangko at inatasan ang mga ito na isumite rin ang electronic copies ng mga dokumento sa pamamagitan ng flash drive.