Nanatiling epektibo ang Temporary Restraining Order (TRO) na nagpapatigil sa pagpapatupad ng dagdag-sahod sa Metro Manila matapos ang pagdinig sa Pasig Regional Trial Court Branch 152 ngayong araw.
Dinaluhan ang pagdinig ng Office of the Solicitor General (OSG), ang petitioner na Readycon Construction Company, at mga kinatawan ng Nagkaisa Labor Coalition bilang observers.
Ayon sa Nagkaisa, inatasan ng Korte ang mga partido na magsumite muna ng kanilang komento bago sila payagang makalahok sa mga susunod na pagdinig.
Binigyan ng Pasig RTC ang OSG at ang mga petitioner ng tatlong araw upang magsumite ng komento sa mosyon, na inaasahang aaksyunan ng korte sa loob ng 10 araw.
Naghain din ang OSG ng manifestation upang pormal na hilingin ang pagbasura sa TRO, dahil labag umano ito sa Labor Code na nagsasaad na ang National Wages and Productivity Commission lamang ang may kapangyarihang dinggin ang mga petisyon kaugnay ng wage adjustment.
Dahil dito, magpapatuloy ang pagkaantala sa pagpapatupad ng umento sa sahod hanggang August 13.
Samantala, sinabi naman ni Trade Union Congress of the Philippines Spokesperson Carlo Oñate, tinatayang ₱60 milyon ang nawawalang kita ng nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa bawat araw na hindi naipatutupad ang dagdag suweldo. | ulat ni Diane Lear