Sa botong 20-0-0, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers (senate bill 1905)
Ayon kay Senate Committee on Health Chairperson Senator Risa Hontiveros ang panukala ay pagkilala sa mahalagang papel ng mga BHW bilang unang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad at katuwang sa pagpapatupad ng Universal Health Care.
Sinabi ni Hontiveros na matagal nang hinihintay ng mga Barangay Health Workers (BHW) ang batas na magbibigay sa kanila ng mas maayos na suporta at seguridad sa kanilang serbisyo.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga BHW ng hindi bababa sa P3,000 buwanang volunteer benefit, transportation allowance o reimbursement, hazard pay, at taunang cash gift.
Maaari rin silang mabigyan ng subsistence allowance at P10,000 loyalty incentive kapag umabot sa 15 taon ang kanilang serbisyo.
Saklaw din nito ang insurance coverage, libreng legal assistance, scholarship opportunities at civil service eligibility ng mga BHW.
Itatatag din sa ilalim ng panukala ang malinaw na sistema para sa registration, certification at competency-based training ng mga BHW, gayundin ang National BHW Information System para mapahusay ang pagpaplano at deployment ng mga health worker.
Pinagtitibay rin ang representasyon ng mga kinikilalang samahan ng BHW sa mga local health board, habang ipinagbabawal ang diskriminasyon at pamumulitika laban sa mga Barangay Health Workers.
May nakasaad rin na pananagutan ng sinumang opisyal o kawani ng pamahalaan na sadyang hahadlang o magpapabaya sa pagpapatupad ng batas. | ulat ni Nimfa Asuncion