Inilabas na ng Department of Labor and Employment Regional Office XI o DOLE XI ang consolidated accomplishment report ng implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD bilang suporta sa Brigada Eskwela para sa School Year 2026–2027.
Batay sa ulat ng ahensya, umabot sa 13,622 TUPAD beneficiaries ang naitalaga sa 1,365 pampublikong paaralan sa buong Davao Region, kung saan mahigit P71.5 milyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng programa.

Ayon sa DOLE XI, natapos na ang implementasyon sa 610 paaralan na kinabibilangan ng 5,783 benepisyaryo, kung saan mahigit ₱30.3 milyon na ang naipamahaging kabuuang sahod sa mga manggagawang nakatapos ng kanilang TUPAD work activities.
Samantala, nagpapatuloy pa ang implementasyon sa 755 paaralan na nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa 7,839 pang manggagawa.
Ayon kay DOLE XI Regional Director Dax Villaruel, ipinakita ng TUPAD-Brigada Eskwela na bukod sa pagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa mga disadvantaged at displaced workers, nakatutulong din ang programa sa pagpapalakas ng mga komunidad at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko, kabilang ang paghahanda ng mga paaralan para sa mga mag-aaral.
📷 DOLE XI