Ikinatuwa ng National Confederation of Barangay Health Workers of the Philippines (NCBHWP) at UNI Global Union–Philippine Liaison Council (UNI-PLC) ang naging unanimous na boto ng Senado pabor sa Magna Carta of Barangay Health Workers.
Ayon sa dalawang grupo, malaking hakbang ito sa matagal nang panawagan para sa mas maayos na compensation at labor rights ng tinatayang 277,000 barangay health workers (BHWs) sa buong bansa.
Kasunod ng pagpasa sa Senado, hinikayat ng labor coalition ang Kamara na pabilisin ang deliberasyon sa counterpart bill para tuluyan na itong maisabatas.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1905, nakasaad ang mandatory minimum monthly honorarium na ₱3,000 para sa BHWs, na exempted sa 45% local government personnel services cap sa unang taon ng implementasyon.
Kabilang din sa mga benepisyo ang transportation allowance, hazard pay, December cash gift na katumbas ng isang buwang benepisyo, at ₱10,000 loyalty incentive para sa mga may 15 taon na tuloy-tuloy na serbisyo.
Layon din ng panukala na gawing mas propesyonal ang sektor sa pamamagitan ng paglikha ng regular BHW plantilla positions sa mga local government units (LGUs).