Mahigit 7,000 Pilipino na ang natulungan ng Suporta sa Bayan Desk (SBD) ng House of Representatives mula nang ilunsad ito noong March 18, 2026.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, umabot na sa 7,174 na benepisyaryo ang napagsilbihan ng programa at mahigit ₱381.5 milyon ang naipaabot na ayuda sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga ipinagkakaloob na tulong ang ayuda para sa gamot, laboratory procedures, bayarin sa ospital, chemotherapy, dialysis, medical procedures, therapy at maging funeral assistance.
Gayunman ang direktang tulong ng SBD para sa mga bayarin sa ospital ay para lamang sa mga pasyenteng nagpapagamot sa mga ospital sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Dy, na layunin ng programa na gawing mas mabilis, maayos at makatao ang paghingi ng tulong sa pamahalaan ng mga nangangailangang Pilipino.
Sa kabuuang bilang ng mga natulungan, 2,069 ang nabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng DSWD habang 5,105 naman ang natulungan sa ilalim ng mga programang pinangangasiwaan ng DOH.
Noong Hulyo lamang, halos 2,900 kliyente ang napagsilbihan ng SBD at mahigit ₱167 milyon ang naipamahaging tulong, kasunod ng pagpapalawak ng kapasidad ng programa upang makapaglingkod sa mas maraming walk-in clients.
Ayon pa kay Dy, plano ng Kamara na makipag-ugnayan pa sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapalawak ang serbisyong maibibigay ng Suporta sa Bayan Desk sa mas maraming Pilipino sa Metro Manila at mga rehiyon.