Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang suporta nito sa posisyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. laban sa mga opisyal ng pamahalaan na pro-China sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad (Ret.), malinaw ang sinumpaang tungkulin ng kawani ng pamahalaan na pangalagaan ang Konstitusyon at ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas.
Ayon pa kay Trinidad, hindi dapat ituring na usaping pulitikal ang pagtataguyod sa pambansang interes dahil ito ay nakabatay sa international law at bahagi ng pananagutang dapat gampanan ng bawat opisyal ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Trinidad na iniaalalay ng mga sundalo ang kanilang kaligtasan bilang tagapagtanggol ng karagatan at himpapawid, kaya umaasa silang susuportahan ito ng lahat ng Pilipino, pati na ang mga inihalal na pulitiko.
Matatandang inihayag ni Teodoro na dapat ikonsidera ng mga opisyal ang pagbibitiw sa pwesto kung hindi sila susunod sa Administrative Order 29, na kumikilala sa West Philippine Sea bilang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. | ulat ni Diane Lear