📷 WTA
Naghain si Senador Joel Villanueva ng isang resolusyon sa Senado upang bigyang-pagkilala at papurihan si Filipina tennis star Alex Eala matapos nitong masungkit ang kampeonato sa 2026 Mubadala DC Open Women’s Singles Championship at maitala ang kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinong nagwagi ng Women’s Tennis Association (WTA) Tour-level singles title.
Sa Senate Resolution No. 554, binigyang-diin ni Villanueva na ang tagumpay ni Eala ay isa sa pinakamalalaking tagumpay sa kasaysayan ng sports sa bansa matapos nitong talunin sa finals si World No. 3 at top seed na Jessica Pegula upang maiuwi ang kampeonato sa WTA 500 tournament.
Sinabi ni Villanueva na ang tagumpay ni Eala ay patunay ng husay, disiplina, tiyaga, at world-class na kakayahan ng atletang Pilipino, at nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang nangangarap na makipagsabayan sa pandaigdigang kompetisyon.
Pinuri rin ni Senador Kiko Pangilinan ang makasaysayang panalo ni Eala at nanawagan ng mas malawak na suporta ng gobyerno para sa sports, partikular sa grassroots development.
Ayon kay Pangilinan, dapat magsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino ang tagumpay ni Eala at magsilbing paalala sa pamahalaan na palakasin ang suporta sa sports sa pamamagitan ng mas maraming programa sa paaralan at komunidad, modernong pasilidad, scholarship, sports voucher, at iba pang tulong para sa mga atleta.
Samantala, bago magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong umaga, ipinaabot din ni Presiding Officer Chiz Escudero ang kaniyang pagbati sa tagumpay ni Eala. Binigyang-diin ni Escudero na bagama’t magkakaiba ang kanilang mga pananaw at magkatunggali ang defense at prosecution team sa paglilitis, nagkakaisa naman aniya ang mga senator-judge, prosecutor, at abogado ni VP Sara sa pagbati at pagkilala sa makasaysayang tagumpay ni Eala.