Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na makiisa sa anumang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng police violence at arbitrary arrests sa araw ng State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Ito ay matapos hilingin ng ilang human rights at people’s organizations sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng independent imbestigasyon sa umano’y marahas na pagpapaalis at pagdakip sa mga nagki-kilos protesta.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda ang pambansang pulisya na makipagtulungan sa CHR at magsagawa ng nararapat na hakbang kung mapapatunayang may mga pulis na lumabag sa umiiral na mga patakaran.
Gayunpaman, nanindigan si Nartatez sa naging pag-aresto sa 51 indibidwal noong SONA. Aniya, ang ilan sa mga naaresto ay sumailalim sa inquest proceedings at naiharap sa tamang proseso ng batas. Dagdag pa niya, nasa piskalya at korte na ang pagpapasya kung may nalabag na batas kaugnay ng naturang mga pag-aresto.