Handang makipagtulungan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Kongreso kaugnay ng mga panukalang alisin ang Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para sa micro at small businesses.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, suportado ng ahensya ang direktibang ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inilatag sa kanyang SONA.
Aniya, hangad lamang ng Pangulo na gawing mas patas ang sistema ng pagbubuwis at maibsan ang pasanin ng maliliit na negosyo.
Sa ngayon, may ilang mambabatas nang naghain ng mga panukala kaugnay nito kabilang ang House Bill No. 10346 na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos Jr., na naglalayong alisin ang 2% gross income tax para sa domestic corporations simula January 1, 2027.
Sa Senado naman, naghain si Sen. Mark Villar ng Senate Bill No. 2362 na naglalayong i-exempt ang micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa MCIT.
Batay sa datos ng Department of Finance (DOF), mahigit 78,000 taxpaying micro at small enterprises ang maaaring makinabang sa panukalang MCIT exemption.