Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang law enforcement agencies na siguruhing magiging maayos at payapa ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa September 14.
“Unang-una, ang order ng Pangulo ay maging mapayapa, ligtas at magkaroon ng malayang halalan sa BARMM,” — Castro.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, kaliwa’t kanang hakbang na ang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) upang makatalima sa direktiba ng pangulo.
Kabilang na rito ang pagpapatuloy ng mas pinaigting na law enforcement operations laban sa mga private armed groups at iba pang banta sa seguridad.
Gayundin ang mahigpit na koordinasyon ng PNP, sa Armed Forces of the Philippines (AFP), at Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga joint security control center.
Aniya, pinaigting din ang intelligence gathering, pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, at mahigpit na pagpapatupad ng political neutrality sa hanay ng lahat ng security personnel kung saan kabuuang 8,299 na tauhan ng PNP ang naka-deploy sa BARMM upang tiyakin ang seguridad sa halalan.
Maaari pa aniyang madagdagan ang bilang na ito, habang papalapit ang halalan, depende sa threat assessment ng PNP at sa mga pangangailangan ng Comelec.
“Katuwang ng PNP ang AFP at Philippine Coast Guard sa pagpapatibay ng seguridad lalo na sa election areas of concern na tinukoy ng Comelec, upang matiyak ang ligtas, mapayapa at maayos na pagsasagawa ng halalan.” — Castro.