Isinawalat ni Commission on Audit (COA) Auditor Roderick Wamil sa Senate Impeachment Court na walang natanggap ang kanilang tanggapan na anumang listahan ng mga paaralan o operasyon kaugnay ng pinalabas na surveillance sa 115 lugar ng Department of Education (DepEd).
Sa ginanap na direct examination ni Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan, sinabi ni Wamil na bagama’t naideklarang nagamit ng DepEd ang eksaktong ₱37.5 milyong confidential-fund cash advance para sa unang kwarter ng 2023, hindi naman nagsumite ang kagawaran ng mga detalye ukol sa mga partikular na paaralan, eksaktong lugar ng surveillance, o mga naging matagumpay na operasyon.
Ang naturang accomplishment report, na sumasaklaw sa Pebrero 20 hanggang Marso 30, 2023, ay kabilang sa mga pangunahing dokumentong iniharap sa paglilitis bilang katibayan sa paggastos ng pondo.
Batay sa ulat, hinati ang ₱37.5 milyong pondo sa apat na programa: Counter-insurgency, Abuse Prevention and Control Within Schools, Anti-illegal Activities Operations, Anti-extremism and Terrorism. Gayunman, binigyang-diin ni Wamil na ang ilang idineklarang gastusin — tulad ng incentives/travel at medical aid — ay hindi kabilang sa mga pinapayagang confidential expenses sa ilalim ng item 4.8 ng Joint Circular No. 2015-01.