Hiniling ngayon ng Department of Education (DepEd) ang suporta ng Kongreso kaugnay ng panukalang bigyan ng hiwalay na kompensasyon ang mga gurong nagsisilbing tutors sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, kinakailangan ito ng malinaw na legal authority at kaukulang pondo.
Sa mga liham sa education leaders ng Kongreso, sinabi ni Angara na kinikilala ng DepEd ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapatupad ng ARAL.
Nagbibigay aniya ito ng targeted learning recovery support sa mga learner na nangangailangan ng dagdag na tulong sa reading, mathematics, at iba pang foundational competencies.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na sa ilalim ng kasalukuyang ARAL Law o Republic Act No. 12028 at pambansang budget, maaari lamang magbigay ng kompensasyon sa DepEd teachers na magsisilbing ARAL tutors alinsunod sa umiiral na legal at budgetary provisions.