Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga Police Regional Office at National Support Units nito na higit pang patatagin ang pagsunod sa International Humanitarian Law at karapatang pantao sa lahat nilang operasyon.
Ito’y kasabay na rin ng pagdiriwang ng bansa ng ika-77 International Humanitarian Law ngayong Agosto.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., layunin ng direktiba na matiyak na ang bawat operasyon ng pulisya ay nakabatay sa tuntunin ng batas habang pinangangalagaan ang mga karapatan at dignidad ng mga sibilyan.
Lalong-lalo na aniya sa mga lugar na apektado ng armadong tunggalian o armed conflict.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na higit pang palakasin ang propesyonal, makatao, at may pananagutang pagpapatupad ng batas, kasabay ng pagprotekta sa mga komunidad at pagtataguyod sa tuntunin ng batas.
Ipinagdiriwang ang buwan ng Agosto bilang International Humanitarian Law Month upang palawakin ang kamalayan tungkol sa mga legal na proteksyong ipinagkakaloob sa mga sibilyan sa panahon ng armadong tunggalian.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Pinalakas na Ugnayan at Pagkakaisa sa Pagsulong ng International Human Law.”