Mas pursigido ngayon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawakin ang one-time tax abatement program nito para sa mga micro-entrepreneur.
Ito ay matapos banggitin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang programa ng ahensya sa kanyang SONA na layong magbigay ng kaunting ginhawa sa mga negosyong nalugi o lumiit ang kita dahil sa hirap ng panahon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, malaking tulong ang programa sa mga micro-taxpayer na may maliliit na tax liabilities, kabilang ang mga stop-filer.
Sa ilalim ng Revenue Regulations No. 4-2026 na naging epektibo nitong Hulyo, maaaring mag-avail ng one-time tax abatement ang qualified micro-taxpayers na may delinquent accounts, assessments, at open stop-filer cases hanggang December 31, 2026.
Saklaw ng programa ang mga micro-taxpayer na may gross sales na hindi lalampas sa ₱3 milyon kada taon at may kabuuang basic tax liabilities at penalties na hindi lalampas sa ₱80,000 para sa isang taxable year.
Ayon kay Mendoza, marami na ang nag-a-avail sa programa na nakatutulong para maayos ng mga micro-taxpayer ang kanilang tax obligations at muling makapasok sa formal tax base ang mga stop-filer.
Naglabas na rin umano ito ng direktiba sa mga regional district officer para matiyak na mas maraming micro-taxpayer, kabilang ang mga nasa malalayong lugar, ang maabot at makapag-avail ng programa.
Ani Mendoza, bahagi ito ng direktiba ng Pangulo na gawing mas accessible at makatulong sa mga taxpayers, lalo na sa MSMEs.