Kinumpirma ng Southern Police District (SPD) ang nangyaring pamamaril sa mag-ina bandang 6:46 PM kahapon, August 3, sa bahagi ng Makati Avenue corner Durban Street sa Barangay Poblacion, Makati City.
Sa panayam ng media sa Camp Crame, sinabi ni SPD Spokesperson PLT Margaret Panaga na nagtungo sa isang hotel sa Barangay Poblacion ang mga biktima upang i-celebrate ang birthday ng anak. Kadarating lamang umano ng ina sa Maynila noong August 2 mula sa Zamboanga.
Ayon kay Panaga, naghihintay sa labas ng hotel ang mag-ina nang dumating ang isang hindi pa nakikilalang suspek at doon sila pinagbabaril nang malapitan.
Base sa nakuhang profile ng SPD, ang anak na biktima ay security administrative staff sa isang hotel, habang housewife naman ang ina.
Sugatan ang 26-anyos na babae matapos tamaan ng bala sa pisngi at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital, habang dead on arrival ang kaniyang 63-anyos na ina na tinamaan ng bala sa itaas ng labi.
Batay naman sa inisyal na imbestigasyon, matapos ang insidente ng pamamaril ay tumakbo patungong Kalayaan ang suspek.
Sa ngayon, nagsasagawa ng backtracking at forward tracking sa mga CCTV ang SPD upang matunton kung nasaan ang suspek.
Inaalam din ang motibo sa krimen habang patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.