Photo courtesy of Department of Agriculture (DA)
Hindi sususpindihin ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng bigas ngayong taon.
Layunin nitong matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa harap ng posibleng epekto ng malakas na El Niño sa produksyon ng palay.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mas prayoridad ngayon ang food security dahil inaasahang bababa ng 750,000 metric tons ang produksyon ng palay at maaaring humigpit ang suplay bago ang anihan sa unang bahagi ng 2027.
Sinabi ng DA na umabot na sa 3.3 milyong metric tons ang rice imports hanggang Agosto 3.
Sa halip na limitahan ang importasyon, palalakasin ng pamahalaan ang buffer stocks ng bansa.
Kasabay nito, inatasan ang National Food Authority (NFA) na dagdagan ang pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
Target ng NFA na makabili ng 500,000 metric tons ng palay ngayong wet season sa halagang hindi bababa sa ₱21 kada kilo para sa wet palay at ₱25 hanggang ₱27 kada kilo para sa dry palay.