Mahigit 80,000 proyekto ng mga lokal na pamahalaan ang minomonitor ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng SubayBAYAN Project upang matiyak ang transparency at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon sa DILG, umabot na sa 80,949 locally funded projects ang nasubaybayan mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, kabilang ang mga proyektong pinondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) at 20% LGU Development Fund.
Sinabi ng ahensya na layunin ng programa na mabantayan ang pagpapatupad ng mga proyekto at maiwasan ang katiwalian sa pamamagitan ng mas bukas at madaling ma-access na impormasyon para sa publiko.
Samantala, iniulat din ng DILG na 95% ng mga LGU sa buong bansa ang sumusunod sa Full Disclosure Policy, na naglalayong palakasin ang pananagutan at transparency sa pamamahala ng pondo ng gobyerno.