Naniniwala si House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na lumipat na sa kampo ni Vice President Sara Duterte ang burden of evidence matapos ang testimonya ni Commission on Audit o COA Auditor Roderick Wamil sa impeachment trial.
Ayon kay Barbers, kailangan nang patunayan ng depensa na ang P612.5 milyong confidential funds ay nagamit sa mga lehitimong intelligence operation at hindi lamang nakabatay sa mga acknowledgment receipt.
Iginiit niyang hindi sapat ang mga resibo na may nakasulat na pangalan at halaga ng natanggap na pera kung walang matibay na ebidensiya na may aktuwal na confidential activity at totoong benepisyaryo.
Diin pa niya na dapat maipaliwanag ng depensa kung saan napunta ang pondo at kung sino ang mga tumanggap nito.
Aniya, malinaw sa Joint Circular No. 2015-01 na may limitadong mga gastusin lamang na maaaring pondohan gamit ang confidential funds.
Kabilang aniya sa mga kuwestiyonableng ginastos ang mga mesa, silya, grocery, hardware supplies, gamot, printer at computer na walang malinaw na kaugnayan sa intelligence operations.
Sinabi ni Barbers na magpapatuloy ang prosekusyon sa paghaharap ng audit records upang patunayan ang umano’y iregularidad sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Ipinapaubaya naman aniya nila sa senator-judges ang pagpapasya kung sapat ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon at kung matagumpay itong nasagot ng depensa.