Kahon-kahong ilegal na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa Manaog, Pangasinan isinagawang magkasanib na operasyon ng Manaoag Police Station at Philippine Tobacco sa Poblacion, ng naturang bayan ngayong araw, Agosto 4, 2026.
Ayon sa pulisya, tinatayang nagkakahalaga ng ₱150,000 hanggang ₱200,000 ang mga nakumpiskang produktong tabako. Pinaniniwalaang hindi nagbayad ng kaukulang buwis ang mga ito at hindi rin sumunod sa mga itinakdang regulasyon sa pagbebenta at distribusyon.
Sa ibahaging post ng LGU Manaoag, ipinaliwanag ni Jen Garcia, Area Manager ng Philippine Tobacco, na ang mga lehitimong sigarilyo ay may tamang tax stamp, natatanging serial number, at health warning sa harapang bahagi ng pakete. Aniya, wala ang mga naturang palatandaan sa mga produktong nasabat kaya itinuturing na mga ilegal ang mga ito.
Personal namang nagtungo si Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” Rosario sa Manaoag Police Station upang inspeksyunin ang mga nakumpiskang sigarilyo. Binigyang-diin ng alkalde ang patuloy na pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng mga hakbang laban sa bentahan at distribusyon ng mga ilegal na produkto sa bayan.
Nanawagan din ito sa publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga kinauukulan ang anumang hinihinalang ilegal na aktibidad sa kanilang komunidad.
Sa ngayon ay nagpapatuloy parin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng mga nasabat na sigarilyo at ang mga posibleng responsable sa insidente.
📸 Municipality of Manaoag