Photo courtesy of Cavite Rep. Jolo Revilla III/Facebook
Umaasa si House Committee on Labor and Employment Chairperson at Cavite Representative Ramon Jolo Revilla III na pabilisin ng Kamara ang pagtalakay sa mga panukalang magtataas ng income tax exemption kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Revilla, magsisilbing malinaw na polisiya ang panukala ng Pangulo na huwag nang patawan ng income tax ang mga empleyado na kumikita ng hanggang ₱350,000 kada taon upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ani Revilla, Pebrero pa aniya niya inihain ang House Bill No. 7952 na nagmumungkahing itaas sa ₱400,000 ang taunang income tax exemption mula sa kasalukuyang ₱250,000.
Ngunit handa siyang tanggapin ang ₱350,000 threshold na iminungkahi ng Pangulo kung makatutulong ito upang mapabilis ang pagpasa ng panukala.
Kasama rin sa kanyang panukala ang pagtataas sa tax-free ceiling ng 13th month pay at iba pang bonus mula ₱90,000 tungo sa ₱150,000.
Aniya, bagamat maaaring mabawasan ang kita ng pamahalaan, naniniwala siyang mababawi ito sa mas mataas na paggastos ng mga pamilya na magpapasigla sa ekonomiya.