Hanggang ₱17,500 kada taon ang maaaring matipid sa buwis ng mga guro, nurse, pulis, engineer at ilang empleyado sa BPO sector sa ilalim ng panukalang reporma sa income tax ng Department of Finance (DOF).
Sa briefing na ipinatawag ng House Committee on Ways in Means, inilahad ni Finance Undersecretary for the Fiscal Policy and Monitoring Group Karlo Fermin Adriano ang mga halimbawa ng tax savings kaugnay ng panukalang Promoting Revenue, Growth, and Equity toward Socioeconomic Sustainability (PROGRESS) para itaas sa ₱350,000 ang annual tax-exempt taxable income.
Ang isa aniyang Teacher 1 na may Salary Grade 11 at may ₱380,460 Annual Basic Income, mula sa kasalukuyang tax due na ₱15, 407.57 ay papatawan na lang ng ₱407.56 na buwis kung maisakatuparan ang panukala.
Katumbas ito ng ₱15,000 na tax savings.
Ang Police Inspector II na may SG 15, Nurse IV na may SG 18 at Senior IT Specialist na nasa upper-middle income ay maaari namang makakuha ng ₱17,500 na tax savings.
Maging ang isang entry-level call center agent ay makakabenepisyo ng ₱6,000.
Inaaral naman ng DOF ang panukala ni Bataan Rep. Tony Roman na awtomatikong repasuhin ang income tax exemption threshold kada tatlong taon upang matiyak na nakasasabay ito sa inflation at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Gayunman, nilinaw ng DOF na nananatiling ₱350,000 ang opisyal nitong panukala para sa tax-exempt annual taxable income.