Senate of the Philippines
Umaasa si Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na sa pagkakataong ito ay tuluyan nang maisasabatas ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs) matapos muling aprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. 1905.
Ayon kay Ejercito, mahigit tatlong dekada nang hinihintay ng libu-libong Barangay Health Worker ang panukalang magbibigay sa kanila ng mas maayos na benepisyo at pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa sektor ng kalusugan.
Matatandaang naipasa na rin ng Senado ang kaparehong panukala noong 19th Congress, at in-adopt ng House of Representatives ang bersyon ng Senado.
Gayunman, hindi ito naging ganap na batas matapos bawiin ng Kamara ang panukala sa huling linggo ng nakaraang Kongreso.
Dahil dito, sinabi ni Ejercito na umaasa siyang sa pagkakataong ito ay mapipirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala at hindi na muling mabibitin ang matagal nang inaasam ng mga Barangay Health Worker.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1905, kikilalanin ang mga Barangay Health Worker bilang mahahalagang katuwang sa pagpapatupad ng primary health care at Universal Health Care.
Kabilang sa mga benepisyong nakapaloob sa panukala ang hindi bababa sa ₱3,000buwanang honorarium, transportation at hazard allowance, annual cash gift, loyalty incentive para sa mga may 15 years nang serbisyo, at certification at accreditation system para higit na mapalakas at ma-professionalize ang hanay ng mga Barangay Health Workers.