Naghain si Senador Raffy Tulfo ng panukalang batas na naglalayong ipagbawal sa anumang korte, tribunal, o otoridad na maglalabas ng temporary restraining order (TRO) o injunction laban sa paglalabas, pagpapatupad at pagiging epektibo ng mga wage order.
Sa ilalim ng Senate Bill 2372, nais ni Tulfo na amyendahan ang Article 126 ng Labor Code para isara ang aniya’y legal loopholes na nagagamit para maantala ang pagpapatupad ng umento sa sahod.
Ayon kay Tulfo, inihain niya ang panukala kasunod ng pansamantalang pagpigil sa implementasyon ng Wage Order No. NCR-27 ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), na nagbibigay ng P85 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR).
Ang naturang wage order ay nasuspinde matapos maglabas ng TRO ang Pasig Regional Trial Court batay sa petisyon ng dalawang pribadong kumpanya.
Ipinaliwanag ng senador na ang bawat wage order ay dumaraan sa masusing public hearing, pag-aaral sa kalagayang pang-ekonomiya, at konsultasyon sa pagitan ng pamahalaan, sektor ng paggawa, at mga employer bago ito aprubahan.
Sa pamamagitan ng panukala, sinabi ni Tulfo na masisiguro ang agarang pagpapatupad ng mga wage order, mapoprotektahan ang kabuhayan ng mga manggagawa, at maisusulong ang mandato ng Konstitusyon hinggil sa social justice. | ulat ni Nimfa Asuncion