Nanawagan ang Malacañang sa grupong Manibela na idaan sa na lamang sa dayalogo ang pagpapabatid ng kanilang panawagan, sa halip na magsagawa ng tatlong araw na transport strike, simula August 10 hanggang 12.
Ang pagkilos na ito, ay para sa panawagan na agarang pag-aruba sa kanilang hiling na provisional fare increase, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro palaging bukas ang pamahalaan sa pakikipag-usap, at handang pakinggan ang saloobin ng transport groups.
Hindi aniya tigil-pasada ang sagot sa mga ganitong usapin, na makakaapekto sa mga commuter at sa ekonomiya ng bansa.
“Kung anuman po ang nais ng Manibela, handa naman po tumugon ang ating pamahalaan para hindi naman mahirapan ng ating mga commuters sa araw na ito ay kanilang gagawin.” —Castro.
Gayunpaman, hindi rin naman pipigilan ng gobyerno ang sinoman sa pagsasagawa ng protesta, lalo’t bahagi ito ng karapatan ng publiko.
Kaugnay nito, siniguro ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan na tumugon sa anumang magiging epekto ng planong transport strike, upang mabawasan ang abala sa mga pasahero. “Kayo naman po ay nadidinig ng gobyerno, mas maganda na magkaroon ng matahimik, maayos na diyalogo, hindi ‘yung lagi tayo nasa daan dahil hindi po siya ang sagot sa ating mga isyu sa ngayon. But, hindi po natin pinipigilan ang sinumang nais na magkaroon ng pagpoprotesta, but still hindi po siya makakatulong sa ating ekonomiya.” —Castro.