Senate of the Philippines
Plano ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maghain ng isang resolusyon na magpapahayag ng sense of the Senate, o nagkakaisang posisyon ng Senado, upang hilingin sa hudikatura na bawiin ang temporary restraining order (TRO) na pumigil sa implementasyon ng ₱85 arawang minimum wage hike sa Metro Manila.
Sinabi ni Zubiri na pangungunahan niya ang pagbuo ng resolusyon. Aniya, ilang senador, kabilang ang mga minority senator, ang nagpahayag na rin ng suporta rito bilang pagpapakita ng nagkakaisang panawagan ng Senado sa hudikatura.
Ayon sa Majority Leader, layunin ng resolusyon na hilingin sa mga korte na payagan ang agarang pagpapatupad ng wage increase upang makatulong sa mga minimum wage earner na nahaharap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nagbabala rin si Zubiri na ang pagpapatuloy ng ganitong sitwasyon ay maaaring magsilbing masamang precedent, dahil maaari umanong maging madali para sa mga negosyong tutol sa wage increase na humingi ng TRO sa tuwing may ipatutupad na dagdag-sahod sa iba’t ibang rehiyon.
Aniya, sa mahigit dalawang dekada niya sa serbisyo publiko, ngayon lamang siya nakaranas na napigilan ng TRO ang isang wage order.
Dahil dito, umaapela ang senador sa pamunuan ng hudikatura na muling suriin ang naturang kautusan at agad itong bawiin upang makinabang ang mga manggagawa sa itinakdang dagdag-sahod.