Ipinapanukala ni Marikina First District Representative Marcy Teodoro ang Tree Preservation and Urban Forest Protection Act na naglalayong gawing last option na lamang ang pagputol ng mga puno sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at pribadong developer na maghanap muna ng mga alternatibong disenyo at engineering solution bago pahintulutan ang pagputol ng anumang mature na puno.
Kinakailangan ding magsumite ng Tree Preservation Plan, habang hindi maaaring maglabas ng tree-cutting permit ang Department of Environment and Natural Resources o DENR hangga’t may iba pang makatwirang paraan upang maisagawa ang proyekto nang hindi nagpuputol ng puno.
Nakasaad din sa panukala na bawat punong legal na mapuputol ay dapat mapalitan ng hindi bababa sa isang daang katutubong puno, bukod pa sa mas mabigat na parusa laban sa iligal na pagputol ng mga puno at sa mga opisyal na sangkot dito.
Ayon kay Teodoro, hindi na lamang usapin ng pangangalaga sa kalikasan ang pagprotekta sa mga puno kundi mahalagang hakbang din upang mabawasan ang pagbaha, mapababa ang temperatura sa mga lungsod at mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan.
Kamakailan lamang ay umalma ang mga residente ng Provident Village sa Marikina laban sa planong pagputol ng nasa 21 puno sa kahabaan ng St. Mary Avenue para bigyang-daan ang itatayong Marcos Highway–St. Mary Avenue Bridge.
Umaasa si Teodoro na agad na tatalakayin ng Kongreso ang panukala upang matiyak na magkakasabay na maisusulong ang kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon.
📸 PPA