Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang paglulunsad ng Long March 8A rocket ng People’s Republic of China kahapon, August 4.
Ayon sa PhilSA, posibleng bumagsak ang ilang bahagi ng rocket sa dalawang identified drop zone, kabilang ang mga karagatang malapit sa Patag Island, Bajo de Masinloc, Busuanga sa Palawan, Puerto Princesa, Tubbataha Reefs, Pangutaran sa Sulu, at Hadji Muhtamad sa Basilan.
Saklaw ng mga ito ang Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) at Philippine archipelagic waters.
Inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan, bandang alas-4:52 ng hapon.
Bago ang paglulunsad, naglabas ng Notice to Airmen (NOTAM) ang mga awtoridad bilang babala sa aerospace flight activity.
Nauna ring ipinadala ng PhilSA ang pre-launch report sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.