Photo courtesy of Social Security System
Nagkasundo ang Social Security System (SSS) at Commission on Filipinos Overseas (CFO) na palakasin ang social protection para sa mga Overseas Filipino at kanilang mga pamilya.
Nilagdaan nina SSS President at CEO Robert Joseph Montes De Claro at CFO Chairperson Secretary Dante “Klink” Ang II ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sa mas matibay na ugnayan ng dalawang ahensya.
Layunin ng kasunduan na paigtingin ang information, education, at communication campaigns tungkol sa SSS membership, mga benepisyo, loan programs, at MySSS Pension Booster.
Palalawakin din nito ang access ng mga Overseas Filipino sa mga serbisyo ng SSS habang sila ay nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa.
Ayon kay De Claro, pagpapatuloy ang MOU ng naunang pakikipagtulungan ng SSS at CFO sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program na inilunsad noong 2025.
Dagdag niya, inaasahang mas maraming Overseas Filipino ang makikinabang sa mga programa ng SSS upang mapalakas ang kanilang seguridad sa pananalapi at matiyak ang kapakanan ng kanilang mga pamilya.