Maglalaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱633 milyon para sa pagtatayo, pag-upgrade, at rehabilitasyon ng 24 climate-smart evacuation centers sa mga lugar na mataas ang panganib sa kalamidad.
Ayon sa DILG, layunin ng proyekto na palakasin ang disaster preparedness ng mga lokal na pamahalaan at matiyak ang mas ligtas at organisadong preemptive evacuation.
Saklaw ng programa ang siyam na lokal na pamahalaan sa Fiscal Year 2025 at 15 pang LGUs ngayong 2026, na kabilang sa mga lugar na tinukoy sa National Adaptation Plan bilang vulnerable sa climate-related hazards.
Sa kanyang SONA, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilulunsad ang Ligtas Pinoy Centers bilang permanenteng evacuation facilities para sa mga lalawigang madalas tamaan ng malalakas na bagyo at lindol.
Idinisenyo ang mga pasilidad upang kayanin ang matitinding kalamidad, kabilang ang super typhoon na may lakas ng hanging aabot sa 340 kilometro kada oras at magnitude 8.4 na lindol.
Samantala, patuloy din ang pagpapalawak ng Unified 911 system na mayroon nang siyam na command centers sa bansa para sa mas mabilis na pagtugon sa mga emergency.