Photo courtesy of PNP-ACG
Arestado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang 27-taong gulang na babae na gumagamit ng alyas na “Shai” sa isinagawang entrapment operation sa San Lazaro, Maynila dahil sa online concert ticket scam.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni ACG Director PMGEN Wilson Asueta na nag-ugat ang operasyon matapos magreklamo ang isa sa mga biktima na nadiskubreng ang concert ticket na binili nito ay may kaparehong seat number na hawak ng ibang buyer.
Ayon kay Asueta, sa kanilang beripikasyon ay natuklasang may lehitimong ticket na hawak ang suspek at paulit-ulit na ibinebenta ng suspek sa iba’t ibang mamimili.
Sinabi ni Asueta na nasa 12 biktima matapos bentahan ang mga ito ng ticket sa halagang ₱14,500, kung saan ang ilan sa mga biktima ay nagbayad na ng buo habang ang iba ay nagbigay ng ₱10,000 na down payment sa pamamagitan ng e-wallet.
Patuloy namang inaalam ng ACG kung may iba pang sangkot sa modus.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nagpaalala naman ang ACG sa publiko na bumili lamang ng concert tickets mula sa mga awtorisadong ticketing platform o verified sellers upang hindi mabiktima ng online scam.