Isinusulong ng Akbayan Party-list ang isang panukala na layong tugunan ang lumalawak na kaso nang pang-aabuso ng mga online lending company sa mga borrower nito na hindi kaagad nakapagbabayad.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Akbayan Party-list Representative Chel Diokno, inihayag nito na ang layunin ng kanilang Anti-Online Lending Abuse Act ay upang proteksyunan ang mga borrower at maiwasan ang mga posibleng pang-aabuso sa karapatan ng mga ordinaryong Pilipino na mayroong utang sa mga lending company.
Aniya, kabilang sa mga reklamo na kanilang natatanggap ay ang pamamahiya sa publiko, paggamit ng kanilang personal identity base sa impormasyon na kanilang naibigay, at maging ang pagkaubos ng kanilang ari-arian dulot nang napakataas na interest rate na ipinapataw ng kumpanyang nagpapautang.
Dahil dito, pinaalalahanan ng kongresista ang mga mamamayan na huwag agad-agad ibibigay ang kanilang mga personal na impormasyon.
Ayon pa kay Diokno, dapat ay mayroong limitasyon ang mga online lending application at maging transparent sa ipinapataw nitong interes.
Dagdag pa nito, dapat ay mayroon ding ngipin ang batas na siyang magpaparusa sa mga mapang-abusong lending company.