Photo courtesy: Taiwan's Ministry of National Defense Photo
Inilunsad ng Taiwan ang pinakamalawak nitong Han Kuang military exercises upang masubok ang kahandaan ng sandatahang lakas at ang kakayahan ng mga opisyal na gumawa nang agarang desisyon sa panahon ng digmaan.
Ayon sa mga opisyal, bahagi ng pagsasanay ang pagharap sa mga simulated missile attacks, pagkasira ng komunikasyon, at iba pang hindi inaasahang sitwasyon na maaaring maranasan sakaling magkaroon ng aktuwal na labanan.
Kabilang sa mga bagong hakbang sa war games ang pansamantalang limitasyon sa internet, mas malayang pagpapasya ng mga field commander at paggamit ng mga pamamaraang hango sa militar ng Estados Unidos upang mapahusay ang koordinasyon.
Layunin din nitong subukan ang kakayahan ng pamahalaan at mga sibilyan na mapanatili ang mahahalagang serbisyo sa gitna ng posibleng krisis o pag-atake.
Mahigit 20,000 sundalo, kabilang ang libu-libong reservist, ang kalahok sa nasabing pagsasanay.
Isinasagawa ang war games habang nagpapatuloy ang pagtaas ng pressure mula sa China, na patuloy na nagsasagawa ng mga military activity malapit sa Taiwan.
Iginiit din ng pamahalaan ng Taipei na ang naturang pagsasanay ay para sa dipensa at pagpapanatili ng seguridad ng isla habang nananatiling mataas ang antas ng pagbabantay sa rehiyon.