Muling pinagtibay ng Department of National Defense (DND) ang komitment ng pamahalaan sa pagtataguyod ng rule of law at pagprotekta sa dignidad ng tao sa ginanap na paggunita ng ika-77 International Humanitarian Law (IHL) Month sa Camp Emilio Aguinaldo, Quezon City.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinahayag ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. na nananatiling anchored sa Konstitusyon at pandaigdigang batas ang lahat ng hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Binigyang-diin ng DND na ang IHL ay mahalagang gabay upang maprotektahan ang mga sibilyan at non-combatants—lalo na ang mga bata—sa gitna ng armadong tunggalian, habang mahigpit na ipinagbabawal ang mga krimen tulad ng war crimes at genocide. Dagdag pa ng kagawaran, ang pagsunod sa IHL ay isang shared responsibility ng pamahalaan, civil society, at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Samantala, inihayag din ni Castro na ang kaparehong paggalang sa international law ang naggagabay sa Pilipinas sa pagtatanggol ng sovereign rights nito sa West Philippine Sea (WPS), alinsunod sa 2016 Arbitral Award.
“Hindi mananatiling zone of neutrality o puwedeng mangyari ang zone of neutrality sa ASEAN. Paano natin makakamit iyan kung hindi ipaglalaban?… Ang ating operations ay nakabatay sa law. Walang maniniwala kung hindi nakabatay sa law iyan,” pahayag ni Teodoro sa kanyang kamakailang panayam sa Malaysia.
Ipinanawagan ng DND at ng Palasyo ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa pambansang teritoryo sa mapayapang paraan—isang mensaheng umalingawngaw rin sa kamakailang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo: “Dahil tayo man ay magkakaiba sa maraming bagay, iisa lang tayong lahi. Tayong lahat ay Pilipino. Pilipino sa diwa, Pilipino sa dugo.” ###