Nanawagan si 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez sa Kamara na agarang bigyang prayoridad ang kaligtasan at kabuhayan ng mga motorcycle riders sa bansa.
Sa kaniyang privilege speech kaniyang tinukoy ang sunod-sunod na mga insidente ng pagnanakaw, pananaksak, at pagpatay sa mga rider habang naghahanapbuhay.
Aniya, hindi dapat isugal ng mga rider ang kanilang buhay para lamang makapagbigay ng pagkain sa kanilang pamilya.
Nagpasalamat naman ang mambabatas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagdinig sa mga panukalang passenger verification at iba pang karagdagang safety measures para sa mga motorcycle taxi.
Gayunman, iginiit niyang hindi sapat ang mga ito hangga’t hindi naisasabatas ang mas matibay na proteksiyon para sa mga rider.
Kaya naman, muling hinikayat ni Gutierrez ang Kamara, Senado, at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang ipasa ang Motorcycle Taxi for Hire Bill.
Ayon sa mambabatas, ang pagpasa ng panukala ay magbibigay ng mas maayos na regulasyon, seguridad, at proteksiyon sa libu-libong rider na araw-araw na nagsisilbi sa publiko.