📷 File Photo
Mas pinatibay pa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang legal at diplomatikong posisyon ng bansa sa West Philippine Sea matapos nitong pormal na ideposito sa United Nations (UN) Secretariat ang opisyal na nautical chart ng Bajo de Masinloc at ang mga nakapalibot na maritime zones nito.
Sa isang press briefing sa Malacañang, inihayag ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinangunahan ni Philippine Permanent Representative to the UN Enrique Manalo ang paghahain ng mapa. Isinagawa ito alinsunod sa Article 16 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), sa ilalim ng pamumuno ni Foreign Affairs Secretary Tess Lazaro.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), layunin ng naturang hakbang na palakasin ang legal certainty, transparency, at pandaigdigang pagkilala sa maritime jurisdiction ng Pilipinas sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan.
Bukod dito, mahalaga rin ang deposisyon upang maipriserba at maidokumento ang mga opisyal na maritime entitlement ng bansa sa harap ng mga pangmatagalang epekto ng climate change at ang pagtaas ng lebel ng dagat.
“Mahalaga rin ito sa pagpreserba ng opisyal na record ng mga maritime entitlement ng bansa sa harap ng epekto ng climate change sa pagtaas ng lebel ng dagat,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin ng Palasyo na ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na foreign policy ni Pangulong Marcos na igiit ang sovereign rights at teritoryo ng Pilipinas batay sa UNCLOS at sa makasaysayang 2016 Arbitral Award.
“Isa lang ang hakbang na ito ng pamahalaan na naglalayong mapanatili sa kaisipan ng bawat Pilipino at ng buong mundo ang mga karagatan ng Pilipinas, lalong lalo na ang West Philippine Sea,” dagdag pa ni Castro. ###