Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dagdagan ang discount sa petrolyo para sa sektor ng transportasyon, na mula sa P10 per liter, magiging P12 na kada litro ang bawas para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express simula Agosto 15.
Kung matatandaan, ang P10 discount kada litro, sinimulang ipatupad ng pamahalaan noong Abril, na nakatulong na sa mahigit 93,000 PUV drivers.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sa oras na maipatupad ito, aabot sa P1,800 kada linggo ang mapapakinabangan ng mga drivers.
Ang desisyong ito ng administrasyon, kasunod ng naganap na pulong sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Office of the Eecutive Secretary kahapon (August 5).
Pinag-usapan din sa pulong ang patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang ng gobyerno upang protektahan ang ekonomiya, pigilan ang pagtaas ng presyo, at matiyak ang suporta para sa mga sektor na tuwirang naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Gaya ng inaasahan, patuloy na nararamdaman ng ating mga kababayan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dapat tuloy ang trabaho, tuloy ang ayuda, at ramdam ng bawat sektor ang presensya at malasakit ng gobyerno,” ani ES Recto.