Naghayag ng kahandaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ideploy ang Mobile Command Centers at Mobile Kitchens kasunod ng magnitude 6.4 na lindol na yumanig sa Sarangani, Davao Occidental, nitong Miyerkules.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan habang nakaantabay ang mga Quick Response Team (QRT) para sa agarang pagtugon sa mga naapektuhang komunidad.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang magnitude 6.4 na lindol ay aftershock ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani noong Hunyo 8.
Dagdag ni Dumlao, nakahanda ang family food packs at iba pang relief supplies sa mga regional warehouse upang agad na maipamahagi sa mga naapektuhang pamilya kung kinakailangan.
Aniya, tutulong din ang mga QRT sa pagmomonitor ng mga evacuation center at sa pamamahagi ng Family Access Card in Emergencies and Disasters (FACED) forms para sa mas mabilis na pagtukoy sa pangangailangan ng mga apektadong residente. Tiniyak ng DSWD na sapat ang nakahandang relief supplies sa ilalim ng Buong Bansa Handa program upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang epekto ng lindol.