Kapwa ikinalugod nina House Prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima at AKBAYAN Party-list Representative Perci Cendaña ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon laban sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa hurisdiksyon at naging proseso ng Kamara sa pagpapatibay ng impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo, kaya maaari nang magpatuloy ang paglilitis sa Senado.
Ayon kay De Lima, malinaw sa naging pasya ng Korte Suprema na tapos na ang proseso sa Kamara at nasa Senado na ang impeachment trial.
Sinabi rin niya na wala nang dapat maging balakid sa pag-usad ng paglilitis at dapat nang mailahad at masuri ang lahat ng ebidensya.
Kaya naman panahon na aniya para harapin ng bise ang pananagutan sa taumbayan.
“Wala nang duda o balakid para paulit-ulit na pigilan o takasan ang impeachment. Umuusad na ang paglilitis sa Senado. Dapat makita at pakinggan ang lahat ng ebidensya. Panahon na para harapin ni VP Sara ang pananagutan nya sa taumbayan.” Saad ni De Lima
Diin naman ni Cendaña na hindi na mabubura ang mga ebidensyang lumabas sa mga pagdinig sa Kamara sa kabila ng mga pagtatangkang kuwestiyunin ang proseso ng impeachment.
Kabilang aniya sa mga ito ang usapin tungkol kay “Mary Grace Piattos,” mga rekord ng Anti-Money Laundering Council o AMLC nina Vice President Duterte at Mans Carpio, at ang umano’y paggastos ng Office of the Vice President ng P125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw.
“Kahit anong pag-discredit nila sa proceedings sa House, hindi nila mabubura ang mga katotohanang lumabas dito…No amount of social media spin can erase what came out in those hearings.” saad ni Cendaña. | ulat ni Kathleen Forbes