Itinanggi ng Philippine Air Force (PAF) ang mga ulat na pumasok si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Sa pahayag ni PAF Spokesperson Colonel Maria Christina Basco, matapos suriin ang access records ng base ay nakumpirmang walang rekord ng pagpasok ni Dela Rosa sa naturang pasilidad, taliwas sa mga lumabas na ulat.
Iginiit din ng PAF ang patuloy nitong pagsunod sa Konstitusyon at sa rule of law, kasabay ng pagpapanatili ng mahigpit na access control sa mga pasilidad nito.
Hinikayat naman ng PAF ang publiko na huwag basta maniwala sa mga ulat at umasa lamang sa mga opisyal na source.
Matatandaang kumalat ang mga ulat sa social media kagabi na naaresto na si Dela Rosa at nasa Villamor Airbase na at nakahandang dalhin sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague. | ulat ni Diane Lear