Pinayagan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang muling pagpapalabas ng ilang sikat na pelikula, kabilang ang The Notebook, The Mummy Returns, at Train to Busan, matapos bigyan ang mga ito ng kaukulang age rating.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, mahalagang sundin ng mga manonood, lalo na ng mga magulang, ang classification ratings upang matiyak na angkop sa edad ng mga bata ang mga pelikulang kanilang papanoorin.
Rated R-13 ang The Notebook at Train to Busan, habang binigyan naman ng PG o Parental Guidance ang The Mummy Returns.
Naglabas din ng age ratings ang MTRCB para sa iba pang ipapalabas sa mga sinehan, kabilang ang VR concert film ng South Korean group na ATEEZ at ilang horror film.
Kabilang dito ang Rosario at Sorry, Charlie, na kapwa rated R-13, habang rated R-18 naman ang horror film na Ice Cream Man dahil sa matitinding eksena ng karahasan at nakakatakot na tema.
Pinaalalahanan ng MTRCB ang publiko na sundin ang mga itinakdang age rating upang matiyak ang ligtas at angkop na panonood, lalo na para sa mga menor de edad.