Inaresto ang isang guro na kabilang sa Rank 2 Provincial Most Wanted Person ng Catanduanes Police Provincial Office (PPO) sa bisa ng mga warrant of arrest kaugnay ng 18 kasong Sexual Abuse at paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-6:40 ng gabi noong Agosto 3 sa pangunguna ng Virac Municipal Police Station, katuwang ang Viga Municipal Police Station. Kinilala ng pulisya ang naaresto sa alyas na “Bert,” 38 taong gulang at residente ng Viga, Catanduanes. Sumuko ang suspek sa kapulisan bago ang pag-aresto.
Batay sa mga warrant of arrest, nahaharap ang suspek sa limang bilang ng paglabag sa Section 10, Article VI ng RA 7610 o Other Acts of Child Abuse at 13 bilang ng Sexual Abuse sa ilalim ng Section 5(B) ng parehong batas.
Umabot sa ₱2.88 milyon ang kabuuang halagang itinakdang piyansa para sa mga kasong maaaring piyansahan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Virac Municipal Police Station ang suspek habang isinasailalim sa kaukulang proseso.
Ayon sa Police Regional Office 5 (PRO 5), bahagi ang pagkakaaresto sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa mga wanted person, lalo na sa mga nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata.
📷 Catanduanes PPO