Inaresto ng mga tauhan ng Daraga Municipal Police Station (MPS) ang isang 19-anyos na Grade 12 student habang nasagip naman ang isang 17-anyos na Child In Conflict with the Law (CICL) matapos silang mahulihan ng hinihinalang marijuana at drug paraphernalia sa loob ng Daraga National High School sa Brgy. Sagpon, Daraga, Albay.
Ayon sa ulat ng Albay Police Provincial Office, nahuli ang dalawang estudyante matapos silang makita ng isang school watchman na nagpapasahan ng improvised glass pipe o “tooter” na may laman umanong pinatuyong dahon ng marijuana paglabas nila ng comfort room.
Agad silang inaresto at ipinagbigay-alam sa Daraga MPS para sa imbestigasyon.
Nakumpiska mula sa kanila ang isang improvised glass pipe na may tinatayang limang gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱600, at isang orange na lighter.
Dinala ang naarestong estudyante at ang nasagip na menor de edad sa ospital para sa medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng Daraga MPS para sa kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang naarestong estudyante sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
📸Albay PPO