Photo courtesy of Bureau of Internal Revenue (BIR)
Patuloy na isusulong ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga reformang nakatuon sa kapakanan ng mga nagbabayad ng buwis upang mapadali ang proseso ng tax compliance, mapabuti ang serbisyo, at palakasin ang koleksyon ng buwis alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibsan ang pasanin ng mga Pilipino.
Sa isang press briefing sa Malacañang noong Lunes, inihayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na handa si BIR Commissioner Charlito Mendoza na ipatupad ang mga panukalang tax reform ng Pangulo. Kabilang dito ang pagpapalawak ng tax exemptions at ang pagliban sa maliliit na negosyo sa pagbabayad ng minimum corporate income tax.
“Ayon kay BIR Commissioner, handa ang kawanihan na ipatupad ang mga hakbang na maaaring aprubahan ng Kongreso,” pahayag ni Castro.
Ayon pa kay Castro, tiniyak ni Mendoza na hindi titigil ang BIR sa pagpapatupad ng mga taxpayer-centric initiative upang gawing mas mabilis at epektibo ang pamamahala sa buwis sa bansa.
“Tiniyak ng Commissioner na patuloy lang ang mga taxpayer-centric measures ng BIR para gawing mas epektibo ang pagkolekta ng buwis kabilang na ang pag-simplify sa compliance at pagpapabuti ng serbisyo para sa taxpayers,” dagdag ni Castro.
Bukod dito, nagpatuloy rin ang pamunuan ng BIR sa pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa iba’t ibang sektor upang matiyak na ang kanilang mga patakaran ay tumutugon sa pangangailangan ng publiko at sa mga suliraning kinakaharap ng mga taxpayers.
“Malinaw ang layunin ni Pangulong Marcos Jr. na gawin ang lahat ng paraan upang maibsan ang bigat na pasan ng ating mga kababayan,” ayon pa sa Palace official.
Sa nagdaang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, nanawagan si Pangulong Marcos para sa mga reformang magbibigay ng mas malaking ginhawa sa mga taxpayers habang tinutulungan ang paglago ng maliliit na negosyo at itinataguyod ang mas maayos na sistema ng pagbubuwis sa bansa. ###