Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education, subject to style and amendments, ang panukalang magtatatag ng Crime Prevention Committee (CPC) sa mga unibersidad at higher education institutions upang mapalakas ang seguridad sa loob ng mga campus.
Layunin ng House Bill 6649 o Campus Safety and Security Bill, na inihain nina Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez at ABAMIN Party-list Representative Maximo Rodriguez Jr., na maprotektahan ang mga estudyante, guro, at iba pang miyembro ng academic community laban sa mga banta sa loob at labas ng paaralan.
Ang CPC ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng mas mahigpit na mga polisiya sa seguridad sa bawat unibersidad at institusyong pang-edukasyon.
Sa pagdinig, iminungkahi ni Pasig Representative Roman Romulo na isama sa panukala ang depinisyon ng academic freedom upang mapanatili ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga estudyante.
Hiniling naman ni Kabataan Party-list Representative Renee Co na maisama sa CPC ang mga kinatawan ng student council, faculty, at non-academic personnel upang matiyak na maririnig ang boses ng iba’t ibang sektor sa loob ng paaralan.