Makatatanggap ng bawas-gastos sa kuryente ang mahigit walong milyong customer ng Manila Electric Company (Meralco) kasunod ng ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ₱9.5-bilyong refund, ayon sa Malacañang noongLunes.
Sa ginanap na press briefing, itinampok ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang naturang hakbang ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino.
Batay sa desisyon ng ERC na inilabas noong Hulyo 31, inatasan ang Meralco na ibalik ang pangkalahatang refund na ₱0.3448 kada kilowatt-hour (kWh) sa loob ng anim na buwan.
Para sa mga residential customer, mas mataas ang nakatakdang refund rate na ₱0.5861 kada kWh. Nangangahulugan ito na ang isang pamilyang kumokonsumo ng average na 200 kWh kada buwan ay makatitipid ng mahigit ₱100 buwan-buwan.
Ayon sa pahayag ni ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan na sinipi ni Castro, agad na ipatutupad ang refund simula sa kasunod na billing cycle at magiging malinaw itong nakatala bilang hiwalay na line item sa mga billing statement ng mga consumer.
“Malinaw ang hangarin ng Pangulo: Ibalik sa taumbayan ang kanilang pinagpaguran. Kada piso na matitipid ay malaking tulong sa bawat pamilyang Pilipino,” giit ni Castro.